Ang kulay sa mata ng Masokista
- emmanueliangarciae
- Sep 7, 2020
- 2 min read

ni Ian Garcia Luminario
Hay! Ang saya ng buhay
Ang saya ang sarap mabuhay
Lalo na pag kasama kita
Haaaaay! Parang ang daming kulay
Asul
Berde
Dilaw
Lila
Rosas
Pula
Puti...
Hmmm
Itim...
Oo! Kasama ang itim.
Kasi ito ang nakikita ko sa tuwing humihinga ako nang malalim.
Kasi ito ang nakikita ko sa tuwing nagdadasal ako nang taimtim.
Itim. Oo, itim... Ang kulay ng dilim.
Dilim na bumabalot sa puso ko
Sa tuwing hahagkan mo ako
At sasabihing "matulog na tayo"
Ito rin ang nararamdaman ko
Sa tuwing iiwan mo ako nang sandali
Kasi sa kanya ka naman uuwi
At naiiwan ako sa pintong humihikbi
Tigib at tikom ang labi
Impit at pigil ang hiningang kumakaway...
Kumakaway... Kumakaway...
Hanggang sa tuluyan ka nang mawalay
Haaaaay! Ang saya ng buhay!
Lalo na kapag nariyan ka na
Pagod at pagal ang hininga
Sabay kukumustahin kita...
Ang sagot mo? "Wala akong gana"
Ako naman tong si tanga
Lalapit at hahagkan ka
Hanggang sa maririnig ko na lang...
"Ano ba! Pwede ba! Gusto Kong magpahinga!"
"Sabi ko nga...niyakap lang naman kita."
"Ang dami mong drama!!!"
... Ngingiti ako sabay "kumain ka na ba?"
Sagot mo? "Sabi nang wala akong gana!!!"
Pinaghanda ko pa naman siya
"Gusto ko na lang magpahinga!"
Hinga... Hinga... Hinga...
Wala naman akong magagawa.
Hindi ako pwedeng magsalita kasi nagsasalita pa siya.
Hindi ako pwedeng mapikon kasi mapipikon siya.
Hindi ako pwedeng magalit kasi magagalit siya.
Hindi ako pwedeng magtago ng lihim dahil may itinatago siya.
Hindi ako pwedeng magreklamo kasi mas magrereklamo siya.
Hindi ako pwedeng maging tama, kasi palaging siya ang tama.
Hindi ako pwedeng kumausap o kumaibigan ng iba kasi may kinakausap siyang iba.
Hindi ako pwedeng magtampo sa kanya dahil magtatampo siya at higit sa lahat...
Hindi ako pwedeng maging masaya dahil masaya pa siya.
Hindi dahil sa akin kundi dahil sa iba.
Kaya sinong tanga???
Bulag. Pipi. At bingi.
Bulag.
Bulag sa katotohanang Hindi niya na ako mahal.
Hindi niya na ako kayang mahalin.
Pipi.
Pipi sa mga gusto Kong ibuladas at ilabas...
Mga pinakakatagong sakit, poot, kirot, sugat na malalim na nakabaon sa puso ko.
Bingi.
Bingi sa mga naririnig na pangungutya at pangaalipusta
Dahil pagkatapos ng araw...
Ang sa pandinig ko lang na malinaw ay...
Ikaw.
Sa mga salitang "ayaw" at hiyaw.
"Ayoko na."
"Hindi ko na kaya."
Mga salitang pikitmata Kong ibinubulong sa hangin.
Hanggang sa tuluyan na akong mahulog sa bangin.
Makita ang dilim.
Ang kulay na itim.
Comments